MATI CITY , Davao Oriental, May 9 -- Hanggang ngayon hindi pa rin matanggap ng pamilya ng mamahayag sa radyo na si Nestor Libaton ang ginawang pagpaslang sa kanya kahapon (May 8) sa hapon sa Tarragona , Davao Oriental.
Si Libaton at ang kasamahang si Eldon Cruz ay inanyayahan sa isang pagdirawang ng Araw ng Brgy sa Brgy. Ompao, sakop ng lungsod ng Tarragona , ang unang lungsod sa Distrito 1 ng probinsiya.
Una silang pumunta sa bahay ng pinsan ni Libaton, at pagkatapos, pumunta na sa Barangay Hall.
Matapos ang pananghalian sa Brgy Hall, bumaba pa sina Libaton at Cruz at nag-interview ng apat na barangay officials.
Matapos mamili ng mga gulay mula sa Agri Fair ng Araw ng Brgy, nagpasiya ang dalawa na bumalik na sa Mati para makahabol pa sa isang programa sa alas dos ng hapon.
Nasa sakop na sila ng Mati nang narinig nila ang mga putok, at ng lumingon si Cruz na siyang nag-maneho ng sinakyan nilang motor, nakita niya ang tatlong tao sakay ng isa ring motorsiklo.
Sa salaysay pa ni Cruz, pagdating sa Sitio Bitan-agan, minabuti niyang mag-u-turn para malampasan sila ng mga attackers, at ng mag-u-turn nga siya, napansin niya na bumaba ang kaibigang si Libaton.
Sumigaw si Cruz na “pre, huwag kang bababa," subalit nakababa na nga si Libaton habang naka-distansya na si Cruz, mga 15 hanggang 20 metros mula sa kaibigan.
Mula sa kinalagyan niya, nakita niyang na-abutan si Libaton ng mga salarin at binaril ito, habang sumigaw siya na “wag, maawa kayo”.
Nang makalayo na ang mga salarin, nilapitan agad niya ang biktima, tinawag ang pangalan, subalit hindi na ito nakasagot, matapos rin ang pag-pump niya sa dibdib nito.
Kinuha pa nga agad ni Cruz ang kanyang recorder sa pag-aakala na makakuha pa siya ng statement mula sa kaibigan.
Napagtanto na wala na nga, nalagutan na ng hininga ang kaibigan, tinawagan agad ni Cruz ang PNP Prov’l Director para masaklolohan.
Dumating naman agad sa crime scene ang Prov’l Director, si Police Sr. Supt. Perpetuo Macion.
Isa si Nestor sa mga pioneering ng DXHM ng mag-umpisa ang station 21 na ang nakaraan, bilang volunteer reporter, hanggang sa malipat siya sa sister company ng station na Trinity Cable TV, at nitong huli ay binalik siya sa radio station.
Isa siya sa mga anchors ng tatlong programa ng station, ang Abante Caraga, programa ng local gov’t unit of Caraga, Mati Vice-Mayor Reports, at Eskrima sa Barangay, Eskrima sa Panginabuhi.
Naiwan ng 45 taon na mamahayag ang kanyang maybahay na si Mary Jean, at ang kanyang apat na anak.
Nagpapatuloy naman ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng PNP. (DXHM/Neela Duallo)
No comments:
Post a Comment