Tuesday, February 23, 2016

Saudi employer patuloy na kumukuha ng OFW; migranteng grupo pinalobo ang bilang ng apektado, Baldoz



Sinabi kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggagawa at Panghanapbuhay na ang mga pahayag na “malawakang” pagtatanggal ng mga OFW sa Saudi Arabia na nakakarating sa media ay hindi nakakatulong sa ating bansa, lalo na sa mga pamilya ng OFW, partikular na rito ang pagtitiyak ng mabisa at nagkakaisang pagtugon ng bansa sa kalagayan ng mga OFW na maaaring maapektuhan, hindi lamang ng malawakang pagbaba ng presyo ng langis sa buong mundo, gayundin sa panahon ng krisis o kagipitan.

“Isa sa mga ganitong pahayag—ng Migrante, at hindi namin sinasang-ayunan—ay hindi batay sa katotohanan. Lubos nilang pinalala ang sitwasyon at ito ay nakadaragdag sa pangamba ng publiko.  Ang mga ganitong pahayag ay hindi nakakatulong,” ani Baldoz.

Ipinalabas ni Baldoz ang kanyang pahayag matapos niyang matanggap ang ulat mula kay Philippine Overseas and Employment Administrator Hans Leo J. Cacdac na hindi pa umaabot sa puntong inilalarawan ng migranteng organisasyon ang kasalukuyang kalagayan sa Saudi Arabia. 

“Sa ngayon walang nangyayaring malawakang tanggalan ng OFW na ang dahilan ay ang pagbaba ng presyo ng langis,” pahayag ni Baldoz matapos basahin ang ulat ni Cacdac.



Sa kanyang ulat sa Kalihim, sinabi ni Cacdac na siya ay nakipagpulong kahapon sa mga kinauukulang recruitment agencies at ang pagpupulong ay magpapatuloy sa mga susunod na araw upang alamin ang totoong sitwasyon sa Saudi Arabia.

Batay sa ulat ni Labor Attaches Rustico dela Fuente at Jainal Rasul Jr., sinabi ng Kalihim na walang nangyayaring malawakang pagtanggal ng mga OFW sa mga kompanya sa Saudi, taliwas sa ulat ng iba.

Ngunit kanyang inamin na ang dalawang malaking kompanya sa konstruksiyon, ang Saudi Oger Ltd. at Saudi Binladin Group, ay dumaranas ngayon ng problema na makakaapekto sa kanilang manggagawa.

“May mga kaso sa Saudi Oger Ltd. na bumabalik-balik simula pa noong nakaraang taon, bago pa man mangyari ang malawakang pagbaba ng halaga ng langis,” ani Baldoz.

Batay sa rekord ng POLO, may 8,757 OFW ang nagtatrabaho sa Saudi Oger.  Sa Jeddah at Western Saudi Arabia, may 1,407 OFW ang nagtatrabaho sa construction division; at 1,667 sa kanilang maintenance division.

“May dagdag ang 20,000 bilang na binanggit ng Migrante.  Maaaring kasama dito ang mga manggagawa mula sa ibang bansa,” aniya.

 “Amin ng ipinahayag noong nakaraang linggo na simula pa noong nakalipas na taon, may ilang manggagawa sa Saudi Oger ang dumaranas ng pagkaantala sa pagtanggap ng kanilang sahod at ito ay walang kinalaman sa pagbaba ng halaga ng langis, subalit hindi naman hirap ang kompanya na bayaran ang mga manggagawang may suweldong 5,000 Saudi Riyals at pababa,” paliwanag niya.

Iniulat ni Labor Attache Rasul na ang mga manggagawa lamang sa construction division ng Saudi Oger ang nakakaranas ng pagkaantala ng bayad ng kanilang suweldo.  Ito ang dahilan kung kaya’t ang ilan sa mga manggagawa ay hindi na muling pumirma ng kontrata.  Ngunit ipinahayag ng management, sa pamamagitan ng sulat, na ang lahat ng manggagawa simula ngayong Marso ay tatanggapin ang kanilang suweldo tuwing katapusan ng buwan at lahat ng hindi pa nababayarang sahod ay ibibigay sa mga darating na buwan. Ang Saudi Oger Ltd. ay may mga proyekto sa Jeddah, Taif, Makkah, Madina, at Kaust sa Tuwal.

Batay sa tala ng POEA, ang Saudi Oger ay may repatriation case na kinabibilangan ng 43 OFW, at wala ni isa sa mga ito ang nakauwi na.   Sinabi ni Administrator Cacdac na ang kabuuang bilang na idineploy sa Saudi Oger, sa pagitan ng taong 2014-2015, ay 4,837 OFW. Sa bilang na ito, 96 porsiyento ang idineploy noong 2014. Mas mababa sa bilang na idineploy noong 2015 na umabot lamang sa 176 OFWs.

Sa kaso ng Saudi Binladin Group (SBG), sinabi ng Kalihim na nasangkot ang kompanya sa isang crane accident sa Mecca noong Nobyembre 2015 na naging sanhi ng pinsala at pagkamatay ng mga pilgrim, kaya sila ay napatawan ng pamahalaan ng Saudi ng “parusa” sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng bagong kontrata.

“Kaya mayroon din silang mga kaso na isinampa ng mga manggagawa,”ani Baldoz, at kanyang idinagdag:

“At ito ay amin na ring iniulat sa media noong nakaraang linggo, at nakita namin ang pangangailangan na ito ay banggiting muli.

Sinabi niya na batay sa tala ng POLO, may 5,930 OFW lamang ang nagtatrabaho sa paliparan, gusali, at construction division ng SBG, ngunit wala itong bilang ng OFW na nagtatrabaho sa subcontractor ng SBG. May 42 OFW na kabilang sa repatriation case na sangkot ang SBG, kung saan may 14 OFW ang napauwi na.  Kabilang dito ang labi ng tatlong namatay na OFW.

Sa tala ng POEA may 7,334 job order ang SBG mula 2014-2016, kung saan may 3,337 kontrata ang naproseso na, o 45 porsiyento ng job order utilization rate.  Noong 2014, ang job order utilization rate ay 49 porsiyento; at ito ay bumaba ng 36 porsiyento ng 2015.

Nagpahayag naman ang Saudi Aramco ng interes na patuloy itong mag-eempleyo ng OFW, ayon kay Baldoz.

 Iniulat ni Administrator Cacdac na ipinaalam sa kanya ni Lito Hernandez ng IPAMS, ang local recruitment agency ng Saudi Aramco, na may itinakda ng interbyu ang Saudi Aramco mula Marso-Hunyo para sa trabaho sa iba’t ibang departamento ng Saudi Aramco; at kanilang itutuloy ang planong pagtatayo ng kanilang Jizan refinery sa Western KSA.



“Kinumpirma ni Mr. Hernandez ang ating ulat sa media noong nakaraang linggo na bagamat ang direktang pag-eempleyo ng Aramco ay hindi naapektuhan ng pagbaba ng presyo ng langis, bumaba naman ang bilang ng pag-eempleyo ng mga kontraktor ng Saudi Aramco,” dagdag ni Cacdac sa kanyang ulat.

Ipinaalam din ng IPAMS kay Administrator Cacdac, na nagre-rekrut at nagde-deploy ng OFW para sa paliparan ng Middle East, na mag-eempleyo ang Saudia Airlines nag 300 flight attendant ngayong taong ito, samantalang kasalukuyang inaayos naman ang pagkuha ng karagdagang OFW para sa Gulf Airline na pag-aari ng GCC para sa taong ito.


Ipinaalam din ni Lito Soriano, may-ari ng POEA licensed agency, LBS e-Recruitment Corporation, kay Kalihim Baldoz na ang isa sa kanilang mga kliyente, ang Prince Sultan Military Medical City sa Riyadh ay kukuha ng 500 nars. Kanya ring idinagdag na may 1,000 pang job order para sa nars sa iba’t ibang ospital ng pamahalaan sa Saudi.

Ang bilang ng job orders para sa propesyonal at iba pang manggagawa na may mataas na kasanayan ay bahagi ng 4,205 job order para sa iba’t ibang pasilidad-medikal ng pamahalaan ng Saudi, tulad ng Prince Sultan Military Medical City, Armed Forces Hospital, Security Forces Hospital, National Blood Center, at King Faisal Memorial Medical Center, ayon kay Soriano.

Ang Omanfil, isa pang lisensiyadong overseas recruitment agency na pag-aari ni Leo de Ocampo, dating miyembro ng POEA Governing Board, ay may oportunidad para sa 1,000 manggagawa sa konstruksiyon sa Saudi Arabia at iba pang Gulf Cooperation Council States.

Gayunpaman, iniulat ni Levi de Mesa, presidente ng Bechtel, na ang kanyang kompanya ay maapektuhan ng pansamantalang kanselasyon ng trabaho para sa 350 manggagawa.

 Sa mas maliliit na kompanya sa Saudi na may Pilipinong manggagawa na nagsampa ng kaso laban sa kanilang employer, sinabi ni Baldoz na kanya ng inatasan si Labor Attache dela Fuente upang alamin ang bilang at iulat ang lagay ng kanilang kaso. END/GMEArce

No comments:

Post a Comment