Sa layuning maprotektahan ang mga manlalakbay at OFW mula sa
‘tanim-bala’
Lumagda sa isang kasunduan sina Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz
ng Kagawaran ng Paggawa at Panghanap-buhay; Kalihim Joseph Emilio Abaya ng
Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon; Kalihim Emmanuel Caparas ng
Kagawaran ng Katarungan; at Kalihim Mel Senen S. Sarmiento ng Kagawaran ng Interyor
at Pamahalaang Lokal upang pag-isahin at pagsamahin ang lahat ng tungkulin ng
lahat ng ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa seguridad sa paliparan at
pagsusuri sa mga pasahero, bagahe at kargamento sa lahat ng paliparan sa
Pilipinas na titiyak sa proteksiyon at seguridad ng mga paalis na pasahero,
lalo na ang mga overseas Filipino workers, na magtataas sa kaalaman ng pasahero
ukol sa seguridad sa paliparan at paraan ng pagsusuri ng kanilang mga bagahe.
“Nilalayon ng kasunduan na mabigyan ng solusyon ang mga kaso ng
‘tanim-bala’, lalo na ang mga sangkot na OFW. Sa tulong ng
PNP-AVSEGROUP bilang tagapagpatupad ng batas, at ng National Prosecution
Service, bilang tagapag-usig ng pamahalaan, mareresolba ang mga kasong
ito. Ang OWWA at POEA ng DOLE ang tutulong sa pagsasa-ayos ng
proseso, lalo na sa mga paalis na overseas Filipino workers,” ani Baldoz sa
ginanap na paglalagda ng kasunduan na ginanap sa VIP Lounge ng Terminal 3 sa
NAIA.
Ang kasunduan ay nilagdaan nina PCSupt. Francisco E. Balagtas ng
PNP Aviation Security Group (PNP Avsegroup); Commo. Roland S. Recomono,
Administrator ng Office for Transportation Security (OTS); Maj.Gen. Jose Angel
A. Honrado AFP (Ret), General Manager ng Manila International Airport Authority
(MIAA); Prosecutor General Claro A. Arellano ng National Prosecution Service;
Administrator Rebecca J. Calzado ng Overseas Workers Welfare Administration
(OWWA); at Administrator Hans Leo J. Cacdac ng Philippine Overseas Employment
Administration (POEA).
Tumayo bilang saksi sina Kalihim Baldoz, Kalihim Abaya, Kalihim
Sarmiento, at Kalihim Caparas sa paglalagda ng kasunduan.
Sa ilalim ng kasunduan, ang POEA ay magtatalaga ng empleyado
sa NAIA terminal para tulungan ang mga OFW na nakuhanan ng mga ipinagbabawal na
bagay, o sa kanilang bagahe, o kargamento; tulungan ang OFW na ayusin ang kaso,
at kung kinakailangan, i-rebook ang kanilang biyahe sa pakikipag-tulungan ng
airline company; payuhan ang mga manggagawa ng kanilang karapatang pantao na
maaaring sumailalim sa Custodial Investigation; humiling sa Public Attorney’s
Office ng agarang pagtatalaga ng Public Attorney na magbibigay ng legal na
representasyon sa manggagawang sumasailalim sa imbestigasyon, pagsisiyasat, o
paglilitis, kung ito ay wala pang abogado; at kung kinakailangan magbigay ng
mga dokumento sa awtoridad na magpapatunay na ang taong nasa kanilang kustodiya
ay isang OFW.
“Ang POEA din ang hihiling ng tulong sa recruitment agency
upang abisuhan at ipagbigay-alam ang pagka-antala ng pagdating ng manggagawa,”
ani Baldoz.
Naatasan naman ang OWWA na bigyan ng tulong ang manggagawang
sumasailalim sa imbestigasyon, gayundin ang kasama nito, sa mga pangangailangan
nito, kasama na ang pansamantalang pangangalaga ng kanyang personal na
kagamitan; at kung kinakailangan ang pagsasagawa ng interbyu upang alamin ang
personal na impormasyon, Overseas Employment Status/Record, at kung kanilang
naisin, tawagan ang kanilang kamag-anak o kaibigan, magbigay ng pansamantalang
matutuluyan kapag sila ay wala na sa kustodiya ng polisiya habang ito ay
naghihintay na ma-rebook ang kanilang pag-alis o isaayos ang kanilang pag-uwi
sa kanilang tahanan; bigyan ng stress debriefing at psycho-social counselling
ang manggagawa pati na ang kanyang kasama, kung mayroon man, bago ito umalis.
Idinagdag ni Baldoz na isasama ng POEA at OWWA sa kanilang
Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS); Pre-Departure Orientation Seminar
(PDOS); at iba pang programang pang-edukasyon ang mga pinagbabawal na dalhin at
gawain na nakasaad sa R.A. No. 10591.
Nakasaad din sa kasunduan na ang Manila International Airport
Authority (MIAA), isang ahensiya sa ilalim ng DOTC, ang mangangasiwa ng mga
kaso na nangangailangan ng agarang pagsisiyasat sa mga security screening check
points, bilang namumuno sa Airport Security Organization (ASO), upang maiwasan
ang pagkaantala sa mga pasahero at ng kanilang bagahe; maayos na daloy ng
pasahero at ng kargamento sa security screening checkpoint para maiwasan ang
mahabang pila; paglalagay ng mga karatula at pagpapalabas ng video na
magpapaalala sa mga pasahero ng mga ipinagbabawal na bagay sa paliparan at
eroplano.
Sa kabilang banda, ang OTS ang magsasagawa ng aviation security
screening sa lahat ng pasahero at bagahe ayon sa National Civil Aviation
Security Program (NCASP); pagbibigay-alam sa PNP-AVSEGROUP sa mga nakuhang
ipinagbabawal na bagay; tiyakin ang pagpapatupad ng standard operating
procedure sa pagsasagawa ng security screening ng pasahero; at muling
pag-iinspeksiyun ng mga bagahe sa harap ng AVSEGROUP, MIAA, at POEA o OWWA.
Batay sa kasunduan, agad na tutugon ang PNP-AVSEGROUP sa mga
ilalapit ng OTS aviation security screener; agad na ipagbigay-alam sa Labor
Assistance Center (LAC) ng POEA o sa Repatriation and Assistance Division (RAD)
ng OWWA, gayundin sa MIAA, PAO at NPS, ng anumang insidente ng maaaring
paglabag sa R.A. No. 10591 na kinasasangkutan ng OFW; tiyakin ang karapatang
pantao na sasailalim sa imbestigasyon dahil sa paglabag sa R.A. No. 10591 at
iba pang batas; pagtatalaga ng police officer sa aviation security screening
checkpoint para sa mabilis na pagtugon; tiyakin na nasunod at naipaliwanag ng
maayos ang karapatang pantao ng sumasailalim sa imbestigasyon batay sa R.A. No.
7438, o kilala bilang “An Act Defining Certain Rights of Persons Arrested, Detained
or Under Custodial Investigation as well as the Duties of the Arresting,
Detaining and Investigating Officers, and Providing Penalties for Violations
Thereof”; at napag-aralang mabuti ang ebidensiya bago i-endorso sa paglilitis
ng kaso sa Prosecutor’s Office.
Magtatalaga naman ang NPS ng prosecutor on-duty sa NAIA terminal
na magsasagawa ng paglilitis at paunang imbestigasyon ng mga kaso at pagbibigay
ng tulong sa tamang interpretasyon at paggamit ng batas sa pamamagitan ng
orientation seminar at training program.
Magtatatag din ng Technical Working Group (TWG), na pamumunuan ng
MIAA at bubuuin ng mga kinatawan na bahagi ng kasunduan, at magpupulong sa loob
ng 15 araw mula sa paglagda ng kasunduan. Ang TWG ang magsasagawa ng
koordinasyon sa pagpapatupad ng mga gawain sa ilalim ng kasunduan.
END/GMEArce
No comments:
Post a Comment