Tuesday, February 23, 2016

12,000 OFW engineers, architects maaaring maapektuhan ng kailangang edukasyon sa Qatar: PRC, CHED makikipag-pulong sa mga opisyales ng Qatari para sa kaparehong antas



 Ipinahayag kahapon ni Kalihim ng Paggawa at Panghanap-buhay Rosalinda Dimapilis-Baldoz na nakatakdang makipag-pulong sina Professional Regulation Commission acting chairperson Angeline T. Chua Chiaco at Kalihim Patricia B. Licuanan, Chairperson of the Commission on Higher Education kay H.E. Mohd A. Alhamadi at sa Qatar Supreme Education Council upang kumatawan sa hiling ng 12,000 engineer at architect sa Qatar para sa kaparehong kwalipikasyon sa edukasyon at kasanayan upang maging kwalipikadong engineer o architect sa Qatar.


“Kami ay umaasa na magiging matagumpay ang misyon ng PRC-CHED upang hikayatin ang mga awtoridad sa Qatar na bigyan ang mga Pilipinong engineer at architect ng kaparehong kwalipikasyon.  Batay sa impormasyong natanggap ko, tanggap at sinusuportahan ng mga Qatari employer ang kahilingan ng ating mga Pilipinong propesyonal,” ani Baldoz.

Ang hamon ng pagkakaroon ng kaparehong antas ay bunga ng mahigpit na pagpapatupad ng Qatar ng kanilang batas na nag-aatas na kailangang magparehistro ang mga engineer sa Urban Planning and Development Authority (UPDA). Subalit hindi makapag-rehistro ang mga Pilipinong engineer sa dahilang iniuutos ng Supreme Education Council na sila ay may 12-taon basic education, o kabuuang 16 na taong edukasyon para makapagrehistro bilang propesyonal sa Qatar.

“Itinuturing ng Supreme Education Council na ang 12-taon basic education program ay katumbas ng high school diploma.  At dahil dito, ang mga Pilipinong engineer ay hindi makapagpa-rehistro sa UPDA dahil lahat sila ay sumailalim lamang sa 10 taon basic education, at nag-isyu lang ang awtoridad ng Qatar ng two-year diploma equivalency para sa engineering degree na kanilang tinapos sa higher education institution sa Pilipinas,” ani Baldoz.

Idinagdag din ni Baldoz na itinakda ng pamahalaan ng Qatar ang 31 Enero bilang deadline para sa pagpaparehistro sa UPDA.

“Kung ang isang OFW engineer, o sinumang banyagang engineer, ang hindi makapagpa-rehistro sa UPDA, hindi niya maaaring gamitin ang kanyang propesyon sa Qatar.  Sa madaling salita, ang 12,000 OFW engineer ay posibleng maalis sa kanilang trabaho,” ani Baldoz.

Subalit, agad naman niyang tiniyak sa mga OFW engineer, na nagtatrabaho sa may 20 hanggang 30 porsiyento ng construction consultancy firms sa Qatar, ay hindi agad mawawalan ng trabaho sa dahilang ang mga awtoridad sa Qatar, gayundin ang mga employer, ay nagpahayag na tanggap nila ang pagbibigay ng kabuuang equivalency sa edukasyon at kasanayan ng mga Pilipinong engineer upang kanilang magamit ang kanilang propesyon sa Qatar.

Kanya ring ipinahiwatig na patuloy ang pagtaas ng pangangailangan ng manggagawang Pilipino sa Qatar, kung saan kanyang binigyang-pansin na nakapagtala ang POEA ng pagtaas ng 19,362 job order sa Qatar mula 85,510 ng 2014 tungo sa 104,872 ng 2015.

“Ang mga Pilipinong propesyonal sa Qatar, tulad sa ibang bahagi ng mundo, ang pinipili ng mga employer.  Ang hamong ito ay hindi mahirap lampasan dahil ang mga employer mismo ang nakakaalam sa kakayahan at kwalipikasyon ng ating manggagawa,” ani Baldoz, at wala pa siyang natatanggap na opisyal na ulat na may mga Pilipino engineer at architect ang natanggal sa trabaho dahil sa bagong patakaran.

Sinabi ni Baldoz na may 172,000 OFWs ang nasa Qatar, 23,000 sa mga ito ay propesyonal; 86,000 ay highly-skilled; 30,000 ay semi- o low-skilled; at 30,000 ang household service worker.

“Tumatanggap ang mga Pilipinong engineer at architect sa Qatar ng buwanang sahod sa pagitan ng pinakamababa na P99,000 o pinakamataas na P300,000 kada buwan,” aniya. END/GMEArce

No comments:

Post a Comment