Tuesday, February 23, 2016

Lumahok sa job fair mas mababa nitong 2015, ngunit bilang ng H.O.T.S. tumaas ng 50%



Mas mababa ang bilang ng aplikante na nagpunta sa 1,661 job fair na ginanap sa buong bansa ng 2015 kumpara sa job fair noong 2014.  Subalit tumaas naman ng 59.07 porsiyento ang bilang ng hired-on-the-spot (H.O.T.S.) sa kabuuang bilang ng nagparehistro sa job fair, o 135,590 mula sa 487,640 nagparehistrong aplikante.

Ito ang ipinahayag kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Panghanap-buhay matapos tanggapin ang 2015 job fair consolidated accomplishment report mula sa Bureau of Local Employment (BLE).

“Ng 2014, 798,433 ang kabuuang bilang ng aplikante ang nagparehistro sa 2,025 job fair, subalit 31.9 porsiyento lamang ang H.O.T.S.  Samantalang tumaas ang bilang ng H.O.T.S.  ng taong 2015 at malugod nating tinatanggap ang balitang ito,” ani Baldoz.

Sinabi rin ni Baldoz na ang kabuuang bilang na 229,538 mula sa 487,640 nagparehistrong aplikante ang kwalipikado sa mga bakanteng trabaho sa ginanap na job fair noong 2015.



“Tinatayang ang bilang na ito ay kumakatawan sa mga mga aplikanteng may sapat na pinag-aralan at kinakailangang kasanayan at may naaayong kwalipikasyon sa mga bakanteng trabaho na itinala ng mga employer,” paliwanag niya.

Sa taong 2015, umabot sa 4,239,392 bakanteng trabaho ang naitala mula sa 1,661 job fair mula sa 26,794 employer at recruitment agency na lumahok sa buong taong job fair.

Ang malaking bilang ng bakanteng trabaho, 2,273,818 ay para sa lokal na trabaho, samantalang ang natirirang bilang ay trabaho sa ibang bansa.

“Ito ay nagpapakita na ang job fair ay isang mabisang paraan upang pagtagpuin ang employer at ang naghahanap ng trabaho,” ani Baldoz.

“Bilang isang istratehiya ng pangangasiwa ng trabaho, ang job fair ay nagbibigay ng disenteng trabaho sa ating mga kababayan, sa tulong at suporta mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor, partikular na ang Public Employment Service Office (PESO) na tumatayong job placement facilitating office sa mga rehiyon,” dagdag ni Baldoz.

Sa mga rehiyon, ang Region IV-A ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng H.O.T.S. sa 2015 job fair, na may 54,395, sinundan ng NCR, 37,415; Region III, 13,506; Region XII, 10,107; Region VII, 5,412; Region IX, 3,338; Region X, 3,202; Region XI, 2,208; CAR, 2,052; CARAGA, 1,291; Region VIII, 1,073; Region II, 389; Region V, 366; Region I, 334; Region VI, 328; at Region IV-B, 174.

Samantala, ang DOLE region at bilang ng job fair na kanilang pinangasiwaan ng 2015 ay ang mga sumusunod: NCR, 736; Region IV-A, 323; Region III, 162; Region XII, 103; Region VII, 75; Region VI, 52; Region XI, 48; Region IX, 46; CAR, 38; CARAGA, 37; Region X, 26; Region VIII, 9; tig-dalawa mula sa Region IV-B, Region II; at tig-isa naman mula sa Region 5, Region 1.

“Ang tatlong rehiyon na nagtala ng pinakamaraming bilang ng ginanap na job fair ay mula sa mga lugar na may mataas na bilang ng establisyamentong pang-komersiyo at pang-industriya at kung saan matatagpuan ang mga pangunahing siyudad,” paliwanag ni Baldoz.

Para sa maayos na pangangasiwa ng tumataas na bilang ng lumalahok sa job fair kada taon, ang Kagawaran, sa pamamagitan ng mga opisina nito, ay hinihimok ang lahat ng lumalahok na employer na itala ang kanilang mga bakante, sa tulong ng PESO na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa trabaho para sa mga naghahanap ng trabaho at mga kliyente.

Ang job fair ay isang istratehiya ng pangangasiwa ng trabaho upang mapabilis ang pagkikita ng mga kompanyang naghahanap ng manggagawa at ang mga aplikanteng naghahanap ng trabaho.  Ito ay bukas para sa lahat ng walang trabaho, mayroon o walang kasanayan na manggagawa, bagong gradweyt ng kolehiyo, nagtapos sa mga institusyon ng pagsasanay, mga manggagawang naalis sa trabaho at mga empleyadong naghahanap ng mas mataas na posisyon.

Ayon kay Baldoz, ang job fair na ginanap noong 2015 Araw ng Manggagawa at 2015 Araw ng Kalayaan ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng aplikanteng nagparehistro, pinakamaraming aplikante na kwalipikado, at pinakamaraming kwalipikadong aplikanteng na agad na natanggap sa trabaho.

“Ang pinakamalaking bahagi, 27.3 porisyento ng kwalipikadong aplikante ang agad na nabigyan ng trabaho (H.O.T.S.) noong 2015 Araw ng Kalayaan, samantalang umabot ng 22.8 porsiyento ang H.O.T.S. noong 2015 Araw ng Manggagawa.

Inatasan ni Baldoz ang Bureau of Local Employment na hikayatin ang lahat ng mga employer na mag-rehistro at itala ng maaga ang mga bakanteng trabaho sa PhilJobNet, na mas pinalakas sa paglalagay ng mga importanteng impormasyon tungkol sa mga nakilahok na employer.

Sa pinalakas na PhilJobNet, partikular na matutukoy nito kung ang kliyente ay nagtapos ng high school, babae, senior citizen, manggagawang nawalan ng trabaho, o umuwing OFW. END/GMEArce

No comments:

Post a Comment